Naalala Mo Pa Ba?

Naalala Mo Pa Ba

courtesy of CyberDJron

Si Nanay ay nasa bahay pag-uwi namin galing sa
paaralan; Walang mga bakod at gate ang
magkakapit-bahay, kung meron, gumamela lang; 10
sentimos o diyes lang ang baon: singko sa umaga,
singko sa hapon; Merong free ang mga patpat ng ice
drop: buko man o munggo. Pakikinig ng drama sa
radio, tulad ng Simatar, Kapitan Radam, mga liham
kay tiya Delly at sa gabi naman ang gabi ng lagim
tinatakpan ang iyong tenga kapag naririnig mo ang
alulong ng aso…. Naa-alala mo pa ba?

Mataas ang paggalang sa mga guro at ang tawag sa
kanila ay Maestro/a: Di binibili ang tubig, pwedeng
maki-inom sa di mo kakilala. Malaking bagay na ang
pumunta sa ilog para mag-picnic, o kaya sa tumana;
Grabe na ang kaso pag napatawag ka sa principal’s
office o kaya malaking kahihiyan kapag bagsak ka sa
exams; Simple lang ang pangarap: makatapos,
makapag-asawa, mapagtapos ang mga anak…

Pwedeng iwan ang sasakyan at ibilin sa hindi mo
kakilala; wala namang lock ang mga jeep na Willy’s
noon. Mayroon kaming mga laruan na gawa namin at
hindi binili: trak-trakan (gawa sa rosebowl ang
katawan at darigold na maliit ang mga gulong,
“sketeng” (scooter) na bearing na maingay ang mga
gulong at de-sinkong pako para sa preno; patining na
pinitpit na tansan lang na may 2 butas sa gitna para
suotan ng sinulid (pwede pang makipag-lagutan) ;
sumpak, pilatok, boca-boca, borador, atbp. Di
nakikialam ang mga matanda sa mga laro ng mga bata:
kasi laro nga iyon. Maraming usong laro at maraming
kasali: laste, gagamba, turumpo, tatsing ng lata,
pera namin ay kaha ng Philip Morris, Malboro,
Champion (kahon-kahon yon!) May dagta ang dulo ng
tinting na hawak mo para makahuli tutubi, nandadakma
ka ng palakang tetot, pero ingat ka sa palakang
saging dahil sa kulugo; Butas na ang sakong ng
Spartan mong tsinelas – suot mo pa rin; Namumugalgal
ang pundiya ng kansolsilyo mo kasi
nakasalampak ka sa lupa. Sa modernong buhay at sa
lahat ng kasaganaan sa high technology.. . di ba
minsan nangarap ka na rin… mas masaya noong araw!

Sana pwedeng maibalik… Takot tayo ngayon sa buhay.
Kasi maraming napapatay, nakikidnap, maraming addict
at masasamang loob… Noon takot lang tayo sa ating
mga magulang at mga lolo at lola. Pero ngayon, alam
na natin na mahal pala nila tayo kayat ayaw tayong
mapahamak o mapariwara.. .. Na una silang nasasaktan
pag pinapalo nila tayo… Balik tayo sa nakaraan
kahit saglit… Bago magkaroon ng internet,
computer, at cellphone. Noong wala pang mga drugs at
malls. Bago pa nauso ang counter strike at mga gameboys.

Tayo noon…

Doon …

Tinutukoy ko ang harang taga o tumbang preso kapag
maliwanag ang buwan; Ang pagtatakip mo ng mata pero
nakasilip sa pagitan ng mga daliri pag nanonood ka
ng nakakatakot sa “Mga Aninong Gumagalaw” Unahan
tayong sumagot sa Multiplication Table na kabisado
natin, kasi wala namang calculator. Pag-akyat natin
sa mga puno; pagkakabit ng kulambo, lundagan sa kama
; Pagtikwas o pagtitimba sa poso; pingga ang
pang-igib ng lalake at may dikin naman ang ulo ng
babae; Inaasbaran ng mga suberbiyo; Nginig na tayo
pag lumabas na ang yantok-mindoro o buntot-page.
Nai-sako ka rin ba? O kaya naglagay ka ba ng karton
sa pwet para hindi masakit ang tsinelas o sinturon?

Pamimili ng bato sa bigas; tinda-tindahan na puro
dahon naman; bahay-bahayan na puro kahon; naglako ka
ba ng ice-candy o pandesal noong araw? Karera sa
takbuhan hanggang maubos ang hininga; pagtawa
hanggang sumakit ang tiyan; Meron pa bang himbabao,
kulitis at pongapong? O kaya ang lukaok, susuwi at espada?

Susmaryosep ang nadidinig mo pag nagpapaligo ng
bata… Estigo santo kapag nagmamano. Mapagod sa
kakalaro, minsan mapalo; matakot sa “berdugo” at sa
“kapre”; Tuwang-tuwa kami pag tinalo ang tinale ni
itay kasi may tinola!

Yung crush mo?

Pag recess: mamimili ka sa garapon ng tinapay
-alembong, taeng-kabayo o biscocho? Pwede ring ang
sukli ay kending Vicks (meron pang libreng singsing)
o kaya nougat o karamel; Kung gusto mo naman -
pakumbo o kaya kariba, mas masaya kung inuyat;
Puriko ang mantika, at mauling na ang mukha at ubos
na ang hininga mo sa ihip kasi mahirap magpa-rikit
ng apoy.

Madami pa… Masarap ang kamatis na piniga sa kamay
at lumabas sa pagitan ng daliri para sa sawsawan;
ang palutong pag isawsaw sa sukang may siling
labuyo; ang duhat kapag inalog sa asin; ang isa-sang
isubo ang daliri kasi puno na ng kanin… Halo-halo:
yelo, asukal at gatas lang ang sahog; Sakang ang
lakad mo at nakasaya ka kasi bagong tuli ka; o
naghahanap ka ng chalk kasi tinagusan ang palda mo
sa eskwelahan.

Lipstick mo ay papel de hapon; Labaha ang gamit para
sa white-side-wall na gupit; Naglululon ka ng banig
pagkagising; matigas na amirol ang mga punda at
kumot; madumi ang manggas ng damit mo kasi doon ka
nagpapahid ng sipon, di ba? Pwede rin sa laylayan…
May mga program kapag Lunes sa paaralan; May
pakiling kang dala kung Biyernes kasi magi-isis ka
ng desk. Di ba masaya? Naalala mo pa ba? Wala nang
sasaya at gaganda pa sa panahon na yon… Masaya
noon at masaya pa rin tayo ngayon habang ina-alaala
iyon… Di ba noon… Ang mga desisyon ay ginagawa
sa awit na “sino ba sa dalawang ito? Ito ba o ito?”
Pag ayaw ang resulta di ulitin: “sino ba sa dalawang
ito? Ito ba o ito?”… Awit muna: Penpen de Serapen,
de kutsilyo, de almasen. How how the carabao
batuten… Presidente ng klase ay ang
pinakamagaling, hindi ang pinaka-mayaman; Masaya na
tayo basta sama-sama kahit hati-hati sa kokonti;
Nauubos ang oras natin sa pagku-kwentuhan, may oras
tayo sa isat-isa; Naaasar ka kapag
marami kang sunog sa sungka; kapag buro ka sa
pitik-bulag o matagal ka ng taya sa holen. Yung
matatandang kapatid ang pinaka-ayaw natin pero sila
ang tinatawag natin pag napapa-trouble tayo. Di
natutulog si Inay, nagbabantay pag may trangkaso
tayo; meron tayong itlog na nilaga at Royal sa tabi at
pahihigupin ng mainit na Royco.

Kung naaalaala mo ito… nabuhay ka na sa KAPAYAPAAN!

Pustahan tayo nakangiti ka pa rin! Kung naka-relate
ka sa lahat ng nabanggit sa itaas, ibig sabihin lang
niyan ay………. … MATANDA ka na! he he he…
pero kung hindi ka maka-relate, padala mo na lang sa
akala mo ay kapanahunan nya ito para maalala din
niya at mangiti rin siya.

9 Responses

  1. I think the most exciting time every year at very memorable para sa akin eh yung padating na ang pasko. Pag may BER na ang ending ng month, maririnig mo na si Johny de Leon na nagpapatugtog ng mga awiting pamasko. Time na rin namin na mamulot ng tansan na pipitpitin at tutuhugin ng alambre. Presto! Meron nang pang-caroling. Pag nagumpisa na ang Simbang Gabi, start na rin ng pag karoling gabi-gabi. Para hindi mahalata ng maybahay na pabalik-balik lang, ikutan kung sino ang sa harap at sa likod. Minsan, may baon pang extra t-shirt para lalong hindi halata. At ang mga lyrics kahit mali-mali basta katunog ok lang. “Oh What Fun the Restawrant” Pag nahapo na, hati-hati na ng kinita. Sorry na lang sa hindi marunong bumilang, lugi. Very memorable di ba? That was the very first time we earned money, sa napakamurang isip pa natin.

    Nowadays, kids are just waiting for the opening of gifts, nalilimutan na ang true spirit of Christmas. It’s up to us parents to remind them why we are celebrating it. Wow! Feel ko na Christmas ah. Maligayang Pasko sa inyong lahat. Nauna na ako.

    eleanor

  2. Naalala ko pa pala ng mabasa ko ang sulat mo Gie, duon ba sa tapat ng Tapinac Elementary School may factory ng ice buko na icedrop o popsickle at duon kami nangunguha ng ititinda sa kalye. 10 cents isa tapos ibebenta ng beinte singko. Ang sarap ng timpla nila sana nga naroon pa sila. Tapos pag di naubos yung tinda pwede mo nang lantakan. Ayaw makita nung may-ari na maraming tira.

  3. Kayo lang ba ang dumaan sa pagkabata! Madalas kami ni Brenn noon manood nang Toyota Tamaraw VS. Crispa Red Manizer sa labas nang tindahan ni Mang Ignacio. At kapag walang sumpong ang may ari pinapapasok kami sa bahay. Habang abala ang mga nakikinood sa labas nang bahay abala rin ako sa pagtago nang mga tsinelas sa labas at kapag medyo hindi ako makulit …isang paris lang ang tinatago ko at pinagsasama ko silang lahat. Pagtapos na ang basketball game hanapan sila nang hanapan. Ilalabas ko palang kapag may umiiyak na.

    Tuwing hapon naman para kami makalibre sa kamote-q at banana-q ni Mang Pinong, tumutulong kami sa pagbabalat nang kamote at pag titinda.

    Sa gabi nag lalaro kami nang patintero. Kumukuha kami nang tubig sa kanal at iyun ang aming iginuguhit sa daan. Madalas si Brenn ang “paniki” at “patotot” dahil sa taglay niyang bilis.

    Kapag nag sawa naman kami sa larong ito. Taguan naman ang aming inaatupag. Madalas ang iba sa amin nagtatago sa silong nang bahay, sa likod nang poste, at sa likod nang basurahan, at kapag medyo mayabang ang kalaro naming taya…kinakusap ko ang mga magtatagong kalaro na umuwi na kami nang bahay. Nasa balkonahe ako nang aming kapitbahay habang pinapanood ko ang taya na halos umiyak na sa kakahanap sa amin. Lingid sa kanyang kaalaman umuwi na ang lahat para matulog….he..he..he..!!

    May araw din kaming nakakanood nang “live show” ni Brenn. Aakyat kami sa puno nilang duhat kung hindi naman doon kami sa “balcony” sa taas nang kanilang bubong. Tuwang-tuwa kami habang pinagmamasdang naliligo ang mga “Wowowie dancers” noong araw sa katapat na apartment….marami kasing barkong dumating ayun kay Serafin Castaneda nang DZOR.

    Minsan tumatambay din kami sa labas nang tindahan nila Jane Garcia habang nag lalaro nang gagamba….”saputan sa tingting”. Kapag nag survived ang gagamba mo sabay tago sa kahon nang posporo..”Guitara” ang brand.

    Kapag Mayo naman at panahon nang “Santa Cruzan”…kung hindi kami “konsorte”…moro-moro ang labas namin…meron kaming guhit nang uling sa mukha. At kapag walang kumuha sa amin….taga ilaw nalang kami at may may hawak na “sulu”..buho na may gas at basahan sa itaas. Siyempre ang puntirya lang namin ay makakain nang hapunan na libre na ang kadalasan ay “sopas” na mainit at “tasty” na may palamang “star margarine”…panulak “pineapple juice”.

    Marami pa tayong mga kwento nang kabataan…naway magtagal pa ito at hindi mabura sa ating isipan.

    G-man

  4. This week nung nanonood ako ng Wowowee…ininterview ni Pokwang yung kontestant ng Pera o Bayong na isang tindero at tinanong kung may tinda syang “Tira-Tira”.

    So, na realized ko na kaidad lang natin si Pokwang, mahirap kasi syang ma recognized how old she is kung hindi nya binanggit ang historical candy.

    Naalala ko tuloy nung bago ako mag 6 yirs old….dalang-dala akong kumain ng tira-tira. Frustrating talaga, napaka kunat kasi at napakahirap putulin. May nag sabing tira-tira yan at ganito ang pag-kain nyan, kakaratihin mo lang ng sabay mong kamay at mapuputol na. Oh ganon pala kaya siguro naubos agad ang ngipin ko sa unahan. Tuwang-tuwa ako noong malaman ko ang teknik, mapapansin mo pa yung kendi na may butas-butas o air bubbles.

    Libangan namin sa Jones Street, pag tag-ulan, hubo’t hubad na masayang naliligo at nag tatalunan pa sa tuwa lalake man o babae. Gumamela at walang gate noon kaya lagusan kami sa kapitbahay na nakikisahod sa kawayang alulod.

    Uso rin ang pang huhuli ng butete sa maitim at mabahong bangbang. Hindi natin alintana ang amoebang pumasok sa toes natin na sanhi ng bulate sa tyan. Hirap tuloy si Inay kapipilas ng Liwayway pag hila lang ng buhay na bulate. Kanya-kanyang gawaan ng bangkang tsinelas na may layag at karera pa.

    Nauso rin sa neighborhood at eskwela ang ‘touching runner’ nakakatuwa ang panahong yon.

    Texas chewing gum, nguya ng nguya hanggang maubos ang tamis, sawsaw sa asukal para tumamis uli. Texas o Texas isawsaw sa gaas at nagiging parang sapot ng gagamba, ihip ng hangin sa mukha ng kalaro dikit sa kanya, lagkit.

    BAKIT MABUTI NUONG ARAW KAYSA NGAYON?

    Lumang katanungan na ito….

    Sabi ni Haring Solomon, Ecclesiastes NIV, Chapter 7, Verse 10…Do not say, Why is it that the former days were better than these? For it is not from wisdom that you ask about this.

    Sa Tagalog: Huwag mong itatanong kung bakit mabuti noong araw kaysa ngayon, Pagka’t iya’y tanong na walang katuturan.

    Commentary from the one I picked in the Internet:

    This is the one that reminds me how relevant this book is. Nearly 3000 years ago Solomon encountered those who like today long for the good old days.

    And the say the good old days were better . . .

    But were they, and even if they were we cannot turn back the clock. We are here today. Yesterday is gone.

    WE HAVE TALKED ABOUT THOSE WHO live in the future, who live for tomorrow, here are the ones who live for the past.

    IN EITHER CASE YOU DO NOT LIVE for today.

    Remember the apostle prayer…give us this day our daily bread.

    Luke 9:23 And He was saying to them all, “If anyone wishes to come after Me, let him deny himself, and take up his cross daily, and follow Me.

    We are to live for this day before the Lord, not tomorrow, and not yesterday.

    Solomon adds it is not from wisdom that these things are said.

    So we are forewarned, in the midst of prosperity or in the midst of adversity we will be tempted to abandon wisdom and live the life of a fool.

  5. Masarap talagang alalahanin ang ating kabataan,
    Naaalala ko pa pagsapit ng mahal na araw,nagkakantahan ng pasyon ang bawa’t kabahayan.At si Inay palaging me lutong kakanin at
    sago,ummmm na pagsasaluhan naming magpipinsan.
    Bawal daw ang maglaro ,kaya pagdating ng miyerkoles at biernes inaabangan na namin ng kapatid ko ang procession sa simbahan.Pagdating ng linggo,salubong naman sa madaling araw at almusal
    na sinangag at langgonisa paguwi sa bahay.
    Hayy,ang sarap gunitain ang nakaraan…

    Coring

  6. Halos lahat yata na pangiti nitong sulat ng Panahon….. Sinehan na gawa natin sa ilaw at anino… Bandera espanola at gumamela diba nakapaligid sa atin… Hay sarap ng buhay nuon kahit na mawala ka siguarond maibabalik ka sa iyong bahay at pamilya.. Alam ba ninyong nawala ako sa palengke ng Eastt Bajac-bajac nung ako’y mga 4 na taon gulang suot ko ay kamisetang malaki pa ng ating kapatid na lalake. Matagal akong umiiyak at habang kinakausap ako ng pulis takot at pangamba na hinde na makabalik. Pero anung ligaya ko ng hinatid pa ako sakay ng volk’s wagon ng mabait na pulis. Ganun nuong panahon natin tukoy bawat pamilya.. Kaya walang pangamba! SARAP alalahanin ng Panahon natin..

    Cora

  7. Sino sa taga Sta Rita ang di makakatanda sa TULAY na gigiwang giwang noong aming kabataan? Tinutulay habang gumagalaw sa ihip ng hangin…sa ilalim ay pag agos ng tubig na maputik …mga munting paang tumatawid mayroong nginig sa pagtawid……

  8. Sa pag gunita nang ating kahapon na may dulot nang saya, ngiti, lungkot, hinagpis , ligalig, at agam-agam .

    Sakripisyo, sipag, tiyaga, dagdag na kaalaman, pananalig, pagbabago, at malawak na pananaw sa buhay ang ating naging tugon.

    Anuman ang ating katayuan at kalagayan sa ngayon, mapalad pa rin tayo. Narito pa rin tayo upang saksihan ang bawat pagbabagong nagaganap sa ating panahon.

    Bagamat patuloy pa rin ang ating pakikibaka sa hamon nang buhay. Tayo’y naging matatag sa bawat unos na dumadating sa atin.

    Makibaka at lumaban tayo! Ang buhay ay parang gulong na umiikot. At kasabay sa pag-inog nang mundo ang ating buhay ay magbabago.

    Ngunit kung sadyang mapait, malupit at mapag-biro ang tadhana lubos nating ipagdiwang ang buhay na kung saan tayo ay maligaya habang may lakas at hininga pang nalalabi sa ating buhay!!

    Salamat,

    Kuyang Gie

  9. mas masarap ang buhay nuon kababata
    wala tayong inaalala
    kahit na puro gulay ang ulam
    bastat sama sama sa harap ng lamesa
    at masarap din ang miryenda
    kahit na mami na puro sabaw lang
    o ginataan na puro kamote lang
    o pancake na asukal lang ang panlasa
    tayo ay maligaya na……..
    oh!!!!!!!! boy the good old times

Leave a Reply